top of page
PAGTUKLAS SA MGA NATATANGING NILALANG
NG MITOLOHIYANG PILIPINO
 

KATHANG-ISIP

  • Facebook - White Circle
  • Instagram - White Circle
PANIMULA

PANIMULA

Pala-palagay  -- ito ang nagpasimula sa iba’t ibang konsepto na nakalakip sa paksang mitolohiya. May mga nilalang umano na nakikisalo sa mga tao sa kanilang pagtahan at pagtahak sa mundong ibabaw na nalikha bilang produkto ng pilit na pagpapakahulugan ng tao sa mga bagay na hindi pa saklaw ng kanilang karunungan. Dahil dito, umusbong ang maraming kwento, awitin, mga ritwal at iba pa na lalong nagbigay ng buhay sa mga nasabing nilalang na sa pagdaan ng panahon ay nagkaroon ng iba’t ibang interpretasyon at baryasyon. 


Isantabi man ang kawalan ng pagsunod sa mga modernong tuklas na batas ng kapaligiran at mundo, tunay na nakalilito ang mitolohiyang Pilipino dahil sa kakulangan sa detalye ng mga kwento, lalo na sa tunay na pinag-ugatan ng mga ito.  Karaniwang may sari-sariling bersyon ng kwento ukol sa isang nilalang ang hiwahiwalay na mga isla ng bansa. Bilang isang bansang nakipagkalakalan at napasailalim sa iba’t ibang lahing may kani-kaniyang kultura at paniniwala, maraming salik ang nakaapekto sa pagkakalikha ng mitolohiyang Pilipino. 

​

Ayon kay Samar (2015), may pangangailangan sa patuloy na paghabi sa mga kagila-gilalas na nilalang samantalang nabubuhay tayo sa realidad. Ang mitolohiyang Pilipino ay tagpi-tagping mga kwento at konseptong bunga ng impluwensiya ng iba’t ibang bansa. Sa kabila ng pagiging piksyunal, mahalagang mapaglaanan ng panahon ang pag-aaral nito sapagkat bahagi ito ng kultura ng lahing Pilipino na mababakas sa mga nalikhang natatanging tradisyon at pamahiin sa bansa na patuloy na isinasabuhay-buhay sa iba’t ibang dako ng kapuluan; at maging sa kasaysayan ng bansa lalo na sa usapin ng lahing pinagmulan, kalakalan, kolonyalismo, at relihiyon. 


Marapat lamang na patuloy na tuklasin ang mga kwento ng kabayanihan, kababalaghan, at kahiwagaan ng ating lipi, alinsabay ng pagkilala sa mga nilalang ng gabi at araw, magmula man sa kalupaan, karagatan, himpapawid, o kalawakan, silang minsang itinuring ng mga katutubong kasalo ng tao sa regalo ng buhay sa mundo.

MGA ILUSTRASYON

MGA ILUSTRASYON

Sari-sari ang mga naitalang paglalarawan sa mga natatanging nilalang ng nakabababang mitolohiyang Pilipino. Narito ang mga pagbibigay buhay sa mga nasabing nilalang sa pamamagitan ng malikhaing pagtatagpo ng papel at tinta.

PAGWAWAKAS

PAGWAWAKAS

Tulad ng sinabi ni Ramos (1990), walang anumang nilalang ang nabubuhay tulad ng mga aswang na may kasanayan sa mahika, at kung mayroon man, ang pinakamasama ay papangalanang pamahiin. Pareho ito sa alinmang nilalang ng mitolohiyang Pilipino na nabuo dahil sa takot at kawalang kasiguraduhan ng mga tao. Bagamat likhang-isip, ang mga nilalang na ito ay may kanya-kanyang kasaysayan, kultura, tradisyon at paniniwala na ipinakikilala kaugnay ng lugar kung saan at panahon kung kailan ito minsan itinuring o kaya ay patuloy na itinuturing na katotohanan. 

 

Paulit-ulit na ginagamit ang salitang nilalang sa paglalahad ng mga datos patungkol sa mitolohiyang Pilipino, ngunit hindi nabigyan ng malalim na pagkilala ang mga tao sa likod nito      ang mga lumalang. Sila ang mga sinaunang tao, mga manlalakbay, magsasaka, mangingisda, at pangkaraniwang mamamayan, na ginamit ang kanilang malikhaing pag-iisip upang makahabi ng kwento na bagamat walang malinaw na basehan ay kawili-wiling pakinggan at paniwalaan. Ang mga produktong sining at literaturang kaugnay ng mitolohiyang Pilipino, bagamat kakatwa, ay maaaring sumagisag sa mga Pilipino nang sinaunang panahon. Ito ang sumasalamin sa kanilang mga emosyon, pag-iisip, at kuro-kuro. Nagsilbi itong batayan ng kanilang pamumuhay, mga paniniwala, at mga saligang patakaran. Kung anuman ang itinuturing ngayong likhang-isip ay minsang naging katotohanang nagtakda ng pamumuhay at kumontrol sa gawi ng mga katutubong nagresulta sa katangi-tanging lahing Pilipino.
 

MAY KATHA

(

MAY KATHA

© 2018 by Anthony Kristan dela Cruz
ardelacruz4@upd.edu.ph | anthonykristandelacruz@gmail.com

  • Facebook - White Circle
  • Instagram - White Circle
bottom of page