
IKUGAN

Kawal ng Kakahuyan


PAGTUKLAS
Sa mga Manobo, ang Ikugan ay isang higanteng nilalang na may pagkakawangis sa unggoy. Balot ang katawan nito ng mahahaba at malalambot na itim na buhok na nakatutulong sa pagtatago nito lalo na kung gabi. Maliksi ito sa pagkilos at halos walang ingay na nalilikha kung naglalambitin sa mga puno sa kagubatan o kakahuyan sa kabila ng pagkakaroon ng malalaking kamay at paa. Sa gabi, umiilaw ang mga mata nito na kadalasang napagkakamalang mga alitaptap. May mahaba rin itong buntot na nagagamit na pambigti ng mga binibiktima. Sa itaas ng mga puno ikinukubli ng mga Ikugan ang kanilang mga sarili upang mag-abang ng mga katunggali at bibiktimahing daraan sa ibaba.
Hinahayaan ng Ikugan na nakabagsak ang buntot nito sa mga dinaraanan ng tao sa kagubatan habang nagmamasid ito sa itaas ng puno. Ang malalubid na buntot nito ang instrumento ng higanteng unggoy sa pananakal ng biktima. Matapos pumaslang, iniiwan ng Ikugan ang mga katawan ng tao sa kagubatan bilang babala sa mga nagbabalak an gumambala sa kanilang teritoryo.